FILIPINO 9 QUARTER 4
Carla Vasquez

FILIPINO 9 QUARTER 4

Ang panitikan ay minanang hiyas na nagsisilbing tulay na nag-uugnay sa atin sa iba-ibang kultura sa bansa sa daigdig. Sa bawat pahina ng panahong nagdaan, nabubuksan din ang ating kamalayan at pag-ugnawa sa natatanging kontribusyon ng Panitikang Asyano sa daigdig ng alamat, maikling kwento, sanaysay, dula, tula, pabula, at iba pa.

 Sa masaklaw na paglalarawan, ang Asya ay nagbigay rin ng malaking ambag sa daigdig ng panitikan sa Pilipinas. Kung gagalugarin natin ang naging impluwensiya ng mga Asyano sa kulturang Pilipino, nanatili pa rin ang taglay at natatanging kakayahan natin bilang mga Pilipino sa isip, salita, at kilos.

 Bago pa man dumating ang mga kanluranin ay mayroon na tayong ugnayan sa Japan, India, China, at Saudi Arabia, at nagaganap ang pakikipag-ugnayang ito sa pamamagitan ng kalakalan, paninirahan, at pakikipag-isa. Dahil dito, maraming impluwensiya o minanang kultura natin ngayon ang nakaaapekto sa ating pamumuhay at kultura bilang mga Pilipino sa kasalukuyan.

 Ang Kagamitan ng Mag-aaral para sa Filipino sa Baitang 9 ang maglalantad sa iyo sa makulay na panitikan ng Asya, at makapagbibigay ng malinaw na pang-unawa sa iyong pagkakakilanlan bilang isang Asyano. Ito ang durungawang maghahatid sa iyong kamalayan sa kultura ng ating mga karatig-bansa sa Asya upang lubos na maunawaan ang kanilang kakayahan at pagkalahi. Gagabayan ka ng Modyul na ito sa iyong paglalakbay at pagtuklas sa mundo ng kaalaman.