EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 7
Jovelyn Garcia

EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 7

Iyong napag-alaman sa nakaraang aralin ang tungkol sa kahalagahan ng mabuting pagpapasiya sa uri ng buhay. Bilang isang mag-aaral sa ikapitong baitang, napakahalagang maisaisip at mapagnilayan ang iba’t ibang bagay o sitwasyon bago ito isagawa upang makasiguro na hindi ito magkakaroon ng masamang epekto sa sarili at maging sa kapwa. Maliban sa nabanggit, malaki rin ang maitutulong na pagsasagawang personal na pahayag ng layunin sa buhay o personal mission statement sa araw-araw ng pagpapasya. Ang personal napahayag ng layunin sa buhay ay isang mabuting giya o gabay sa ating mga pagpapasya. Ayon nga kay Sean Covey sa kanyang aklat na “The 7 Habits of Highly Effective Teens, “Begin with the end in mind.” Kung sa simula pa lang ay alam na natin ang gusto nating mangyari sa ating buhay, hindi na magiging mahirap para sa atin ang mga mahahalagang pagpapasya sa buhay. Ang pahayag ng layunin sa buhay ay maihahalintulad sa isang personal o pansariling motto o kredo na nagpapahayag kung ano ang kabuluhan ng iyong buhay. Para itong balangkas ng iyong buhay.Iba’t iba ang paraan ng pagpapahayag ng mission statement o layunin sa buhay. Ang iba ay mahaba; ang iba naman ay maikli. Ang iba ay awit; ang iba ay tula. Ang iba naman ay ginagamit ang kanilang paboritong salawikain o kasabihan bilang pahayag ng layunin sa buhay.